Breadcrumb

  1. Home
  2. Impormasyon sa Tagalog
  3. Diskriminasyon Batay sa Relihiyon

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon

Ang diskriminasyon batay sa relihiyon ay nauugnay sa hindi kanais-nais na pagturing sa isang tao (aplikante o empleyado) dahil sa kanyang pananampalataya. Hindi lang ang mga taong nabibilang sa mga tradisyonal at organisadong relihiyon gaya ng Budismo, Kristiyanismo, Hinduismo, Islam, at Hudaismo ang pinoprotektahan ng batas, pinoprotektahan din nito ang mga taong tapat na sumusunod sa kanilang pananampalataya o sa mga prinsipyo ng etika o moralidad.

Ang diskriminasyon batay sa relihiyon ay maaari ding maugnay sa sa pagturing sa isang tao sa ibang paraan dahil ang taong iyon ay kasal (o nauugnay) sa indibidwal na may partikular na relihiyon.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Mga Sitwasyon sa Trabaho

Ipinagbabawal ng batas ang diskriminasyon pagdating sa anumang aspeto ng pagtatrabaho, kabilang ang pag-hire, pagsisisante, pagpapasahod, mga pagtatalaga ng trabaho, mga promotion, pagtatanggal ng empleyado, pagsasanay, mga karagdagang benepisyo ng empleyado, at anupamang tuntunin o kundisyon ng trabaho.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Panghaharas

Ilegal na mangharas ng tao dahil sa kanyang relihiyon.

Maaaring kabilang sa panghaharas, halimbawa, ang mga nakakapanakit na komento tungkol sa pananampalataya o kaugalian ng isang tao. Bagaman hindi ipinagbabawal ng batas ang simpleng panunukso, mga hindi inaasahang komento, o mga natatanging pangyayaring hindi gaanong nakababahala, ilegal ang panghaharas kapag lumikha ang pagiging madalas o malala nito ng mapanganib o mapanakit na lugar ng trabaho o kapag nagresulta ito sa isang hindi magandang desisyon sa trabaho (tulad ng pagkasisante o pagka-demote ng biktima).

Maaaring ang nanghaharas ay ang supervisor ng biktima, isang supervisor sa ibang area, isang katrabaho, o isang taong hindi empleyado ng employer, tulad ng kliyente o customer.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Segregasyon

Ipinagbabawal din ng Title VII ang segregasyon sa lugar ng trabaho o sa pagtatakda ng trabaho batay sa relihiyon (kabilang ang mga panrelihiyong kaugaliang nauugnay sa pananamit at grooming), gaya ng pagtatakda ng empleyado sa posisyong hindi kailangang makipag-ugnayan sa customer dahil sa aktwal o ipinapangambang kagustuhan ng customer.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Makatuwirang Tulong

Iniaatas ng batas sa isang employer o iba pang saklaw na entidad na magbigay ng makatuwirang tulong sa pananampalataya o panrelihiyong kaugalian ng empleyado, maliban na lang kung ang paggawa nito ay magdudulot ng higit sa minimal na pasakit sa mga operasyon ng negosyo ng employer. Ibig sabihin, maaaring kailanganin ng employer na gumawa ng mga makatuwirang pagbabago sa lugar ng trabaho na magbibigay-daan sa empleyado na maisagawa ang mga kaugalian ng kanyang relihiyon.

Kabilang sa mga halimbawa ng ilan sa mga karaniwang tulong na nauugnay sa panrelihiyong dahilan, ang flexible na iskedyul, mga boluntaryong pakikipagpalitan ng shift, mga pagtatalaga sa ibang trabaho, at mga pagbabago sa mga polisiya o kagawian sa lugar ng trabaho.

Tulong na Nauugnay sa Panrelihiyong Dahilan/Mga Polisiya sa Pananamit at Grooming

Dapat ay gumawa ng makatuwirang tulong ang isang employer para sa mga pananampalataya o panrelihiyong kaugalian ng empleyado, maliban na lang kung magreresulta ito sa hindi makatuwirang paghihirap sa operasyon ng negosyo ng employer. Nalalapat ito hindi lang sa mga pagbabago sa iskedyul o sa leave para sa mga panrelihiyong seremonya, ngunit pati na rin sa mga bagay gaya ng pananamit o kaugalian sa grooming na isinasagawa ng empleyado para sa mga panrelihiyong dahilan. Maaaring kasama rito, halimbawa, ang pagsusuot ng partikular na pantakip sa ulo o iba pang panrelihiyong damit (gaya ng Jewish yarmulke o hijab), o pagkakaroon ng ilang partikular na istilo ng buhok o ng balbas o bigote (gaya ng Rastafarian dreadlocks o ng hindi ginugupitang buhok at balbas sa relihiyong Sikh). Kasama rin dito ang pagsunod ng empleyado sa paghihigpit ng relihiyon sa pagsusuot ng ilang partikular na damit (gaya ng mga pantalon o maigsing palda).

Kapag kailangan ng empleyado o aplikante ng tulong para sa pananamit o grooming para sa mga panrelihiyong dahilan, dapat niyang abisuhan ang employer na kailangan niya ng naturang tulong para sa mga panrelihiyong dahilan. Kung ang employer ay makatuwirang nangangailangan ng higit pang impormasyon, kailangan ng employer at empleyado na magkaroon ng proseso ng pakikipag-ugnayan para matalakay ang kahilingan. Kung hindi ito magreresulta sa hindi makatuwirang paghihirap, dapat ibigay ng employer ang tulong.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Makatuwirang Tulong at Hindi Makatuwirang Paghihirap

Hindi kailangan ng employer na magbigay ng tulong para sa mga pananampalataya o panrelihiyong kaugalian ng empleyado kung ang pagbibigay nito ay magdudulot ng hindi makatuwirang paghihirap sa employer. Maaaring magdulot ng hindi makatuwirang paghihirap ang isang tulong kung ito ay magastos, nagkokompromiso sa kaligtasan ng lugar ng trabaho, may negatibong epekto sa kahusayan sa lugar ng trabaho, lumalabag sa mga karapatan ng iba pang empleyado, o humihingi sa iba pang empleyado na gumawa nang higit pa sa inaasahang trabaho na posibleng mapanganib o nakakapagod.

Diskriminasyon Batay sa Relihiyon at Mga Polisiya/Kagawian sa Pagtatrabaho

Hindi maaaring pilitin ang isang empleyado na lumahok (o hindi lumahok) sa isang panrelihiyong aktibidad bilang kundisyon ng pagtatrabaho.