1. Home
  2. publications
  3. Komisyon sa Pantay na Pagkakataon sa Trabaho  (EEOC) at Sangay sa Mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Hustisya, Tanggapan ng Espesyal na Abogado para sa Mga Hindi Patas na Pamamalakad sa Trabaho na may Kaugnayan sa Imigrasyon (OSC)

Komisyon sa Pantay na Pagkakataon sa Trabaho  (EEOC) at Sangay sa Mga Karapatang Sibil ng Kagawaran ng Hustisya, Tanggapan ng Espesyal na Abogado para sa Mga Hindi Patas na Pamamalakad sa Trabaho na may Kaugnayan sa Imigrasyon (OSC)

Alam Mo Ba Kung Saan Pupunta?

Maraming mga pederal na batas ang nagpoprotekta sa mga aplikante ng trabaho at mga manggagawa mula sa diskriminasyon sa trabaho. Ang mga batas na ito ay ipinapatupad ng mga pederal na ahensiya na sumisiyasat sa diskriminasyon.

Madalas hindi alam ng mga tao kung saan pupunta upang makakuha ng tulong kapag naniniwala sila na biktima sila ng diskriminasyon dahil, depende sa uri ng diskriminasyon o laki ng employer, maaaring maging sangkot ang iba't-ibang mga ahensiya. Tutulungan ka ng pulyetong ito na maunawaan kung aling ahensiya ang kokontakin kung sa palagay mo ay biktima ka ng diskriminasyon.

Diskriminasyon Batay sa Bansang Pinagmulan

Ano ang diskriminasyon sa trabaho batay sa bansang pinagmulan?

Sa pangkalahatan, ito ay kapag iba ang pagtrato sa iyo ng iyong employer batay sa bansa kung saan ka ipinanganak o lipi (aktwal o ipinahiwatig), o sa ilang mga pangyayari, batay sa iyong punto o kakayahan sa pagsasalita ng Ingles.

Ang isang halimbawa ng diskriminasyon sa bansang pinagmulan ay kapag kumukuha lang ang mga employer ng mga manggagawa na Ingles ang katutubong salita hindi alintana kung makakasagabal  ang punto sa pagganap ng trabaho.

Aling ahensiya ang kokontakin ko kung gusto kong magsampa ng isang paratang ng diskriminasyon batay sa bansang pinagmulan?

Kung ang employer mo ay may hindi bababa sa 15 empleyado sa buong kumpanya (hindi lang sa lugar kung saan ka nagtrabaho), dapat kang magsampa ng paratang sa EEOC. Maaari mong tawagan ang 1-800-669-4000 o pumunta online sa www.eeoc.gov/field upang hanapin ang tanggapan sa iyong lugar.

Kung ang employer mo ay may mga empleyado na nasa pagitan ng 4 at 14 sa buong kumpanya, dapat kang magsampa ng paratang sa OSC. Maaari mong tawagan ang hotline ng OSC sa 1-800-255-7688upang magtanong tungkol sa iyong mga karapatan, o puntahan ang website ng OSC sa: www.justice.gov/crt/about/osc

Diskriminasyon Batay sa Katayuan ng Pagkamamamayan

Ano ang diskriminasyon sa trabaho batay sa katayuan ng pagkamamamayan?

Ito ay kapag iba ang pagtrato sa iyo ng iyong employer dahil ikaw ay, o hindi ka, isang mamamayan ng Estados Unidos, o dahil isang uri ka ng imigrante.

Ang isang halimbawa ng diskriminasyon sa katayuan ng pagkamamamayan ay kapag gusto lamang ng mga employer na kumuha ng mga tao na may H1-B visa.

Aling ahensiya ang kokontakin ko kung gusto kong magsampa ng isang paratang ng diskriminasyon batay sa katayuan ng pagkamamamayan?

Kung ang iyong employer ay may hindi bababa sa 4 na empleyado sa buong kumpanya, dapat kang magsampa ng isang paratang sa OSC. Maaari mong tawagan ang hotline ng OSC sa 1-800-255-7688upang magtanong tungkol sa iyong mga karapatan, o puntahan ang website ng OSC sa: www.justice.gov/crt/about/osc

Diskriminasyon sa Form na I-9 o "E-Verify" (Beripikasyong Elektroniko) na Pag-abuso sa Dokumento

Ano ang pag-abuso sa dokumento?

Ang pag-abuso sa dokumento ay kung ang isang employer, kapag sinisiyasat ang pagiging karapat-dapat sa trabaho, ay humihingi ng karagdagan o ibang mga dokumento na higit sa hinihingi ng pederal na batas, o humihingi ng partikular na mga dokumento batay sa katayuan ng pagkamamamayan o bansang pinagmulan ng manggagawa. Maaari ring mangyari ang pag-abuso sa dokumento kung dinidiskrimina ka ng iyong employer kapag gumagamit ng E-Verify.

Ang isang halimbawa ng pag-abuso sa dokumento ay kung pipiliin mong ipakita ang iyong lisensya sa pagmamaneho at Social Security card kapag kinuha sa trabaho, nguni't nais din ng iyong employer na makita ang iyong Permanent Resident Card (green card). 

Aling ahensiya ang kokontakin ko kung gusto kong magsampa ng isang paratang ng diskriminasyon batay sa pag-abuso sa dokumento?

Kung ang iyong employer ay may hindi bababa sa 4 na empleyado sa buong kumpanya, dapat kang magsampa ng isang paratang sa OSC. Maaari mong tawagan ang hotline ng OSC sa 1-800-255-7688 upang magtanong tungkol sa iyong mga karapatan, o puntahan ang website ng OSC sa: www.justice.gov/crt/about/osc

Mayroon Kang Mga Karagdagang Proteksyon!

Sa ilalim ng iba't-ibang mga pederal na batas, pinoprotektahan ka rin laban sa diskriminasyon sa trabaho batay sa lahi, kulay, kasarian, kapansanan, relihiyon, edad (mahigit sa 40 taon), at impormasyon sa genetika (na kasama ang medikal na kasaysayan ng pamilya). 

Kung ang iyong employer ay may hindi bababa sa 15 empleyado[1] sa buong kumpanya (hindi lang sa lugar kung saan ka nagtrabaho), dapat kang magsampa ng isang paratang sa EEOC. Maaari mong tawagan ang 1-800-669-4000 o pumunta online sa www.eeoc.gov/field upang hanapin ang tanggapan sa iyong lugar.

Ang ilang  mga estado ay mayroon ding mga batas na nagpoprotekta sa mga aplikante at empleyado laban sa diskriminasyon batay sa lahi, kulay, kasarian, kapansanan, relihiyon, edad (lampas at wala pang 40 taon), sekswal na oryentasyon, katayuan ng pagkamamamayan, bansang pinagmulan, at katayuan ng pamilya, bukod pa sa ibang mga basehan. Maaaring masakop ng mga batas na ito ang mga employer na may mas kaunti sa 15 empleyado. 

Sa ilang mga lugar, maaari mong kontakin ang 311 para sa impormasyon sa iyong mga karapatang-pantao sa iyong lugar o ahensiya sa mga patas na pamamalakad sa trabaho na nagpapatupad ng mga batas laban sa diskriminasyon. Maaari mo ring subukang maghanap sa online para sa impormasyon tungkol sa mga ahensiyang ito.

Mga Limitasyon sa Panahon

Kung sa palagay mo ay biktima ka ng isang diskriminasyon sa trabaho, mahalagang humingi ka agad ng tulong dahil may limitadong panahon na maaari kang magsampa ng isang paratang.  Ang ilan sa mga batas ay hinihiling sa iyo na magsampa ng isang paratang sa loob ng 180 araw, at  mawawala ang iyong mga karapatan kung maghihintay ka!

Para sa mga katanungan tungkol sa iyong mga karapatan sa trabaho, maaari mong tawagan ang hotline ng OSC sa 1-800-255-7688. Magagamit ang hotline 9am hanggang 5pm Eastern Time, Lunes - Biyernes at makakatanggap ka ng agarang tulong. Ang iyong tawag ay maaaring walang pagkakakilanlan kung pipiliin mo. Mayroon ding magagamit na pagsasalin ng wika.

Maaari mo ring tawagan ang EEOC sa 1-800-669-4000. Magagamit ito 7am hanggang 8pm Eastern Time, Lunes-Biyernes.  Mayroon ding magagamit na pagsasalin ng wika. 

Kung hindi ka sigurado kung aling ahensiya ang tatawagan, mangyaring tawagan ang alinman sa mga numero sa itaas at titiyakin namin na ituturo ka sa wastong ahensiya para sa tulong.


[1] Para sa diskriminasyon sa edad, ang iyong employer ay dapat may hindi bababa sa 20 empleyado sa buong kumpanya.